MANILA, Philippines — Posibleng makasuhan ang dati at kasalukuyang administrasyon dahil sa pagbagsak ng tulay sa Isabela.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, lumalabas na ang pagkumpuni sa tulay noong 2014 kung saan ang 90% nito ay ginawa sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Subalit dahil sa tagal ng panahon kung saan maraming lindol at kalamidad ang pinagdaanan ng tulay ay kailangan na itong i-retrofit.
Lumalabas din aniya sa inisyal na imbestigasyon na hindi angkop ang disenyo at kakayahan nito sa malalaking sasakyan tulad ng mga truck at para lamang ito sa light vehicles.
Subalit tatlong truck aniya na may mabigat na karga ang dumaan sa tulay kaya bumigay ito.
Dahil dito kaya ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, maaaring mapanagot ang may-ari ng tatlong dump trucks na dumaan.
Gayundin dapat managot ang nakaraan at kasalukuyang opisyal dahil sa nasabing insidente.
Sa kabila nito patuloy aniya ang gagawing mas malalim na imbestigasyon sa bumagsak na tulay sa Cabagan, Isabela para matukoy kung sino ang mga dapat managot sa naturang insidente.
