MANILA, Philippines — Isinailalim na sa state of calamity ang buong lalawigan ng Davao Occidental at tatlo pang lugar sa pagtama ng 7.8 magnitude ng lindol sa ilang bahagi ng rehiyon ng Mindanao noong Hunyo 8 ng umaga.
Sa report ng Office of Civil Defense (OCD) napagdesisyunan ng pamahalaang panlalawigan ang pagsasailalim sa buong Davao Occidental dahilan sa matinding pinsalang tinamo sa pagyanig ng 7.8 magnitude ng lindol.
Kabilang pa sa isinailalim sa state of calamity ay ang Malapatan, Sarangani; Glan, Sarangani, at General Santos City (Dadiangas) South Cotabato.
Ang pagsasailalim sa state of calamity ay upang magamit ng mga apektadong lugar ang kanilang Quick Response Fund sa mga panahon ng emergency tulad ng matinding pinsala ng lindol.
Samantalang nasa kabuuan namang 45 kalsada, 8 tulay ang naapektuhan kung saan sa nasabing bilang ay nasa 37 kalsada, anim na tulay ang maaari nang madaanan.
Nakapagtala naman ng kabuuang 238 imprastraktura ang napinsala ng malakas na lindol. Naapektuhan ang paliparan sa SOCCSKARGEN ay tigil muna ang operasyon habang isinasaayos ang napinsalang istraktura.