DJ na binugbog ng fiance nagpasaklolo sa NBI, suspek tugis


Ludy Bermudo — Pilipino Star Ngayon

February 15, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Inireklamo na ng DJ vlogger na si Jellie Aw sa  National Bureau of Investigation (NBI) — Violence Against Women and Children Division (VAWCD) ang kanyang fiance na si Jam Ignacio na nambugbog sa kanya sa loob ng sasakyan nitong Miyerkules.

Batay sa reklamo, nag-ugat ang pananakit nang magalit at mauwi sa kanilang pagtatalo ang nakita ng fiance na si Jam Ignacio ang pakikipag “beso-beso” sa isa ding DJ nang makipagkita sila sa mga kaibigan.

“Pinagselosan niya po ‘yung ka co-DJ ko na bakit ko raw parang bineso, niyakap ko raw. Ang ginawa ko po kasi nung nakita ko siya, parang hug po na pa-beso. Ganun po kasi kaming lahat sa work namin. Kumbaga sa amin, wala lang naman po ‘yun,” ani Aw.

Sa viral post ni Aw, sinabi niya na halos ikamatay na niya ang sinapit na pisikal na pang-aabuso, kung saan nagkaroon ng injuries sa ulo, mata, leeg,  at tenga.

Nangyari ang pananakit sa loob umano ng sasakyan habang papauwi na sila ng bahay at nagawa niyang mabuksan ang bintana ng sasakyan nang tumagal na uma­ngat  toll barrier dahil sa hindi mabasang RFID.

Dahil sa paghingi ng saklolo ni Aw, natakot umano si Ignacio at tumakas kaya siya na mismo ang nagmaneho ng sasakyan papunta sa ospital, ayon sa VAWCD.

Samantala,  sinabi naman  ni NBI Director Jimmy Santiago na tinutugis na nila ang fiance ni Aw.