DOH binira sa P1 bilyong office beautification


Joy Cantos — Pilipino Star Ngayon

September 5, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Binira ni Deputy Speaker at Iloilo 1st District Rep.Janette Garin ang P1 bilyong alokasyon ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng panukalang P6.793 trilyong 2026 national budget para sa beautification o pagpapaganda ng mga opisina.

Sinabi ni Garin na ang nasabing pondo ay mas mapapakinabangan para sa mga hospital at rural health units (RHUs) kaysa magpaganda ng mga opisina ang mga opisyal ng DOH.

Ayon kay Garin, dating kalihim ng DOH, ang naturang misalokasyon ng pondo ay hindi tumatalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iprayoridad sa national budget ang mga essential services.

Inihayag ni Garin na ang pagkakadiskubre sa P1-B pondo para sa pagpapaganda ng DOH office ay patunay lamang sa hindi maayos na budget items na sasayangin lang ang oras ng Kongreso at banta sa pagsusulong ng zero balance billing ng administrasyon para sa mga ospital ng gobyerno.