MANILA, Philippines — Posibleng ngayon taon ang pinangangambahan ng Department of Health (DOH) na pagkakaroon ng dengue outbreak sa patuloy na paglobo ng mga kaso.
Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa nitong Miyerkules na nakapagtala ang DOH mula Enero 1 hanggang Marso 15, 2025 ng 76,425 kaso, na mas mataas sa 42,822 sa parehong panahon noong 2024.
“Tumaas ang ating dengue by over 75% kumpara sa last year and because of this, ine-expect ko na ito siguro ‘yung taon,” sa panayam kay Herbosa ng Unang Balita.
“Every 3 to 5 years kasi nagkakaron tayo ng outbreak ng dengue. Ang outbreak nating huli 2019. So naghihintay tayo ng malaking outbreak. So ito ‘yung taon na ‘yun na most likely,” aniya pa.
Pinakamataas ang kaso sa Calabarzon na nasa 15,108; National Capital Region, 13,761; at Central Luzon, 12,424.
Gayunman, mababa o 0.41% lang ang fatality rate o bilang ng nasasawi.