DPWH engineer sa Bulacan ghost project, sinibak!


Mer Layson — Pilipino Star Ngayon

September 5, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Sinibak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon si dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara, sa gitna na rin ng imbestigasyong isinasagawa ng pamahalaan sa maanomalyang flood control projects sa bansa.

Sa ambush interview matapos ang inspeksiyon sa isang flood control project sa Barangay Sipat, Plaridel, Bulacan, sinabi ni Dizon na bukod sa dismissal ay irerekomenda rin niya sa DPWH Legal Service na sampahan ng kasong kriminal si Alcantara sa Office of the Ombudsman sa susunod na linggo.

“He is now dismissed. I will call for summary dismissal of Henry Alcantara,” pagkumpirma ni Dizon.

“Next week, I will ask the DPWH Legal to re­commend filing of appropriate charges against Henry Alcantara. Well, obviously, criminal ito. Pagnanakaw ito e, P100 million… We will recommend filing of charges with the Ombudsman,” aniya. “So si Henry Alcantara dismissed and we will recommend filing of charges with the Ombudsman.”

Ang dismissal at pagsasampa ng kaso laban kay Alcantara ay kasunod na rin ng ginawa nitong pag-amin sa isang pagdinig sa Kamara, na nag-isyu siya ng certificate of completion sa P55 milyong flood control project sa Baliwag, Bulacan, na isa palang ghost project.

Nabatid na ang Wawao Builders ang nasa likod ng ghost project na ininspeksiyon ni Dizon sa Plaridel kahapon. Ang naturang flood control project ay idineklarang kumpleto noong 2024.

Gayunman, nang inspeksiyunin ni Dizon kahapon, ay natuklasang may tatlong linggo pa lamang na nagsisimula ang contractor na maihabol ang konstruksiyon ng proyekto.

“Ang tawag ko rito, patay na pero pinipilit buhayin kasi nabayaran na siya e noong last year. Sabi dito ng DPWH, 100% completed na ito last year,” ayon kay Dizon.

“Pero siguro, three weeks ago, umiinit, nag-iimbestiga na ang Senado at Kongreso, nagalit na ang Pangulo, pinipilit buhayin yung patay. Wala na. Klarong-klaro ghost project ito,” dagdag ni Dizon.

Samantala, ang SYMS Construction Trading naman ang nasa likod ng ghost project na binisita ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa Barangay Piel, Baliwag, noong Agosto 20.

Kaugnay nito, tiniyak ni Dizon na bukod sa lifetime ban, sasampahan din ng kaso ang mga may-ari ng ­naturang mga kumpanya.

“Kahayupan na ito. Hindi tao ‘tong mga taong ‘to,” anang kalihim.

Paniniguro pa niya, iimbestigahan din nila at hahabulin ang iba pang kumpanya na posibleng sangkot din sa mga naturang contractors.

Sisibakin din sina suspended Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, at Engr. Jaypee Mendoza na dating hepe ng Construction Section ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office.

Matatandaang inamin din ni Alcantara na dati siyang gumagamit ng alyas at pekeng ID upang makapaglaro sa casino na mahigpit na ipinagbabawal sa mga empleyado ng pamahalaan.