DPWH exec, mga pulis kinastigo sa pagkalaboso sa sekyu!


Pilipino Star Ngayon

September 13, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Lumapit sa Raffy Tulfo in Action (RTIA) si Joan Manrique upang humingi ng tulong para sa live-in partner na si Gregy Reyes, security guard, na mahigit isang buwan nang nakakulong dahil napag-initan ng isang opisyal ng DPWH.

Kasama ni Joan sina Rommel Te, Homeow­ners’ Association (HOA) President ng Rosalia Village 2, Tandang Sora, QC at HOA OIC Jarred Ulibas.

Ayon kay Te at Ulibas, nagkaroon si Gregy ng komprontasyon kay Atty. Mikhail Valodya Tupaz, Division Chief ng Internal Affairs Division ng DPWH Legal Services Central Office, habang on-duty at nagbabantay ng gate ng kanilang village.

Sa nakalap na CCTV footage ng RTIA team, makikita na pinara ni Gregy ang sasakyan ni Tupaz habang papasok ito sa kanilang village dahil hindi ito huminto para mag-surrender ng kanyang ID. Ayon kay Te, walang “passing-through” sticker si Tupaz, na residente ng katabing village, para makadaan sa Rosalia kaya siya sinita ni Gregy.

Noong palabas na si Tupaz sa nasabing village, dito na siya binabaan ng barrier ni Greggy na ikinagalit ng nasabing opisyal.

Ayon kay Ulibas, pinagmumura ni Tupaz at kanyang anak na nagpakilalang abogado rin si Gregy habang pilit niya silang pinag-aayos.

Nagpatawag ng dalawang pulis si Tupaz para palabasin na tinutukan siya ng baril ni Gregy gayong malinaw sa video na nakasukbit lamang ang issued firearm ng pobreng sekyu sa kanyang balikat at hindi ito ginalaw. Kahit walang warrant of arrest at complaint validation, sapilitang inaresto ng mga pulis si Gregy. Nagpatawag din ng miyembro ng SWAT team si Tupaz na dumating sa Rosalia.

Sinubukang tawagan ng RTIA team si Tupaz para hingin ang kanyang panig ngunit hindi nito sinagot ang tawag nila.

Nanggalaiti si Sen. Idol dahil sa grave abuse of authority ng mga nang­huling pulis na kinilalang sina PStaff Sgt. Armando Atip Jr. at Pat. Jonel Murcia. Sa kanyang panayam kay PLTCol. Von Alejandrino, Station Commander ng Police Station 3, QC Police District, pinadisarmahan niya at pina-confine to headquarters sina Atip at Murcia habang ongoing ang investigation.

Nangako si Sen. Raffy na sasagutin ang piyansang P120,000 upang mailabas kaagad ang pobreng sekyu sa kulungan. Nagpaabot din si Sen. Raffy ng P17,000 tulong kay Joan kapalit ng isang buwang sahod ni Gregy na hindi nakapag-duty dahil sa pangyayaring ito.

Ni-relieve na sa puwesto kahapon Sept. 12, ni DPWH Sec. Vince Dizon si Tupaz.