DQ cases vs 50 kandidato reresolbahin hanggang Hunyo 30


MANILA, Philippines — May hanggang Hunyo 30, 2025 pa bago madesisyunan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga petisyon sa disqualification laban sa 50 kandidatong kinasuhan ng Task Force Baklas kaugnay sa pagsuway sa patakaran sa pagkakabit ng campaign poster at materials.

Ayon kay Chairman George Erwin Garcia, may nakatakda lamang na maximum na laki ng mga materyales at kung saan maaring ikabit ang poster at iba pang campaign materi-als, maliban sa private property na hindi nila maaring utusang tanggalin.

Ang mga kaso ay ipina-raffle sa iba’t-ibang dibisyon ng Comelec.

Samantala, may 20 kandidato naman ang iniimbestigahan ng Comelec kaugnay sa reklamong vote-buying.

Ani Garcia, titimbangin nila ang petisyon batay sa mga merito at mga ebidensyang makukuha.

“Dapat mabigat ang ebidensya at may merit ang kaso,” ani Garcia.

Inaasahan din ni Garcia na madadagdagan pa ang matatanggap nilang petition for disqualification sa araw ng eleksyon.

Hindi naman kaila-ngang madesisyunan kaagad  ang mga pe­tisyon, dahil hanggang Hunyo 30 pa naman maidedeklara ang mga nanalong kandidato.

“Sa national position, kahit hindi namin madesisyunan kaagad diyan, ma-proclaim sila, mag-oath sila, magpanumpa, eh diba congressman ka pa lang, pagdating sa June 30,” aniya.

Aniya, pananatilihin ng Comelec ang hurisdiksyon ng mga kaso hanggang doon.

Nauna nang sinabi ng Comelec na may kapangyarihan itong suspindihin ang proklamasyon ng mga nanalong kandidato sa midterm elections kung mayroon silang mga nakabinbing disqualification cases anuman ang batayan.

Sinabi ni Garcia na saklaw nito ang mga batayan na nagmumula sa mga isyu sa mga campaign rally ng kandidato at iba pang mga paglabag sa halalan.

Samantala, ang mga usapin sa national position ay hahawakan ng Electoral Tribunals sa House of Representatives at Senate habang ang Presidential Electoral Tribunal naman ang hahawak sa electoral cases na kinasasangkutan ng pangulo at bise presidente.