Duterte camp bigong makakuha ng TRO


MANILA, Philippines — Bigo ang kampo nina dating Pang. Rodrigo Duterte at Sen. Ronaldo ‘Bato’ dela Rosa na agarang makakuha ng temporary restraining order (TRO) mula sa Korte Suprema kaugnay ng hiling nilang pigilan ang pamahalaan sa pakikipag-kooperasyon sa International Criminal Court (ICC).

Kasunod na rin ito nang ginawang pag-aresto ng mga awtoridad kay Duterte kamakalawa bunsod ng kinakaharap nitong crimes against humanity sa ICC dahil sa kanyang war on drugs.

“After a virtual deliberation on the 94-page petition, the SC found that the petitioners failed to establish a clear and unmistakable right for the immediate issuance of a TRO,” ayon kay SC Spokesperson Camille Ting.

Gayunman, inatasan ng SC ang mga respondents sa petisyon na magsumite ng komento sa naturang petition with prayer for TRO and/or writ of preliminary injunction nang may ‘non-extendible period’ na hanggang 10 araw mula sa araw na matanggap nila ang kautusan.

Kinumpirma rin ni Ting na natanggap na rin ng SC ang mga petisyong inihain ng mga anak ni Duterte na sina Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte at Veronica ‘Kitty’ Duterte kahapon para sa urgent petition for habeas corpus para sa agarang pagpapalaya sa kanilang ama.

Ani Ting, kaagad na ring ipinag-utos ni Chief Justice Alexander Gesmundo na pagdaraos ng isang special raffle hinggil sa dalawang petisyon upang kaagad itong maaksiyunan at madesisyunan.