Epekto ng US na buwisan remittance ng foreign workers, maliit lang


MANILA, Philippines — Maliit lamang ang magiging epekto sa Pilipinas ng plano ng Amerika na buwisan ang remittance ng mga foreign workers na nagpapadala ng kanilang pera sa labas ng naturang bansa.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro na nakipag-ugnayan siya sa Department of Finance at ipinaliwanag na 20% lamang sa 4.4 million na OFWs ang mahahagip ng mungkahing  pagbubuwis na magi­ging epektibo sa January 2026 kapag nakapasa.

Paliwanag pa ni Castro, na base sa pagtaya ng DOF, ang inaasahang magiging kawalan sa remittance sa 2026 mula sa mga Pilipino sa Amerika ay $100 million mula sa $36.5 billion na tinayang remittances sa 2026.

Ayon sa DOF’s chief economist, ito ay, and I quote, “Out of the 4.4 million overseas Filipinos in the US, only 20% will be affected by the proposed tax proposal which is seen to take effect on January 1, 2026,” ayon pa kay Castro.

Minimal lamang aniya ang epekto nito sa ekonomiya subalit malaking bagay ito sa mga pamilyang nakadepende lamang sa remittances ng kanilang pamilya sa Amerika.

Ibinigay na halimbawa ni Castro ang DOF — ang buwis sa $100 remittance ay $3.50 kaya ang matatanggap ng pamilya ng OFW sa Pilipinas ay $96.50.