FL nabiktima rin ni Discaya


Gemma Garcia — Pilipino Star Ngayon

September 5, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Ibinunyag ng Malakanyang na maging ang proyekto ni First Lady Liza Marcos ay naging biktima ng kumpanya ng mga Discaya.

Personal na ipinakita ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa media ang gusali ng Philippine Film Heritage Building sa Intramuros, Manila na maraming depekto at dapat ay natapos ngayong September 4, 2025.

Ang contractor ng proyekto ay ang Great Pacific Builders and Ge­neral Contractor, Inc., isa sa mga kumpanya ng mga Discaya.

Sinabi ni Castro na ang proyekto ay pinondohan ng P107, 983,255.11 na sinimulan noong January 2025 subalit hindi natapos ngayong Sept. 4, at mababa ang kalidad ng pagkagawa.

Dahil dito kaya galit at dismayado si First Lady dahil sa hindi natapos na proyekto at agad iniutos ang imbestigasyon.

Kabilang sa mga depekto ay ang kawalan ng alulod sa labas ng gusali kaya nababasa lahat ang dumadaan kapag umuulan, hindi pulido ang finishing sa elevator bukod pa sa maliit ito, at hindi pa tapos ang cinema para sa ­cinematic purposes.

May mga kuwarto rin sa gusali na semento lang sa halip na lagyan ng tiles, may mga leak ang mga kubeta at bubong, barado ang drainage system at nakalitaw ang piping sa bahagi ng hagdanan.

Personal din nag-inspeksyon ang Unang Ginang sa gusali subalit tumanggi siyang magsalita.