MANILA, Philippines — Naglabas ng direktiba ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga local government units (LGUs) na magsagawa ng mandatory evacuations sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng malakas na ulan na idinulot ng hanging habagat.
Sa isang pahayag na inilabas nitong Martes, Hulyo 22, hinikayat ng DILG ang mga alkalde, gobernador at mga kapitan ng barangay na ipatupad ang sapilitang paglikas kung kinakailangan upang maprotektahan ang mga residente sa mga apektadong lugar, na may prayoridad sa mga bata, matatanda, at mga taong may kapansanan.
Isang memorandum din ang inisyu ni DILG Secretary Jonvic Remulla para sa Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) na tulungan ang mga LGU sa pagpapatupad ng sapilitang paglikas patungo sa evacuation centers.
Inatasan din niya ang ang mga lokal na pamahalaan na makipagtulungan sa mga Regional Disaster Risk Reduction and Management Councils sa panahon ng paglikas at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng mga relief goods.
Batay sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, nasa halos 1.27 milyong indibidwal na naapektuhan hanggang Huwebes ng umaga dahil sa Severe Tropical Storm Wipha (dating Crising), habagat, at low-pressure area.
Mahigit 82,335 katao ang nawalan ng tirahan dahil sa pagbaha, ngunit 1 sa 5 lamang ang nakarating sa mga evacuation center, na nag-iiwan ng humigit-kumulang 65,000 katao na nasa labas pa rin.
Pinayuhan din ang mga lokal na opisyal na sundin ang protocols sa Operation L!sto, ang checklist manual na gagabay sa disaster preparedness bago, habang nagaganap ang emergencies at pagkatapos, depende sa sistema ng Alpha, Bravo at Charlie alert levels.
Inaasahang magtatagal pa ang pagtulong sa mga apektadong pamilya dahil sa namataang panibagong 3 low pressure area, na isa ang nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
