Hanggang chat na lang ba?


Dear Dr. Love, — Pilipino Star Ngayon

November 30, 2025 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Five years na kami ng ka-chat ko. Sa tagal ng aming pakikipagkomunikasyon sa bawat isa, maniniwala ka ba na hanggang ngayon ay wala pa rin siyang planong magkita kami? Sa tuwing tinatanong ko siya, ang sagot niya, maliit pa ang anak niya at hindi niya alam kung magkikita kami o hindi.

Ok naman siyang kausap at aminado ako na hindi ako tatagal na ka-chat niya kung wala akong interes sa kanya. Dahil sa mga lumipas na taon ay bukod sa nakasanayan ko nang kausap ko siya sa maraming araw ng aking bawat linggo, feeling ko ay gusto ko na siya.

Pero mukhang hindi ganon ang damdamin niya, dahil wala akong naririnig kahit pahaging na gusto niya na rin akong makita.

Tingin n’yo po ba ay dapat ko pang ipagpatuloy ang pakikipagkomunikasyon sa kanya? May patutunguhan pa kaya ang aming ugnayan o baka hanggang magka-chat na lang?

Pagpayuhan po ninyo ako, aabangan ko po ang tugon sa column ninyo. Maraming salamat po.

Chay

Dear Chay,

Hindi ko kayang sagutin ang tungkol sa kalooban na meron para sa’yo ang ka-chat mo. Kaya ang pinakamabuti ay tanungin mo siya kapag nagka-usap na kayo uli. Dahil kung hindi mo makita sa kanya ang interes na gaya ng sa’yo, baka hindi kayo match.

At kung patuloy kang makikipag-chat sa kanya na walang direksiyon, baka nga wala nang kabuluhan ang paglalaan mo ng oras sa kanya.

Hindi naman masama kung hingin mo sa kanya ang sagot tungkol sa estado ninyo.

Para kung hanggang friends lang o chatmate ay maging malinaw sa’yo, hindi ka mag-e-expect.

Importante ito para malaman mo kung dapat mo nang ibaling sa iba ang atensiyon mo.

Kapag lumipas kasi ang panahon ay hindi na natin ito maibabalik. Kaya kung magkaiba kayo ng damdamin ng ka-chat mo, hindi naman masama na mag-step backward ka para makabwelo at ma-stablish ang love life mo.

Natitiyak ko na may babae na karapat  dapat sa atensiyon mo at magagawang tugunan ang feelings mo.

Dr. Love