HFMD triple itinaas, sumirit sa 7.5K kaso — DOH


MANILA, Philippines —  Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na triple ang itinaas ng mga kaso ng Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD) sa bansa.

Sa datos ng DOH, umabot na sa 7,598 kaso ng HFMD ang naitala mula Enero 1 hanggang Pebrero 22, 2025 lamang.

Ito ay halos tatlong beses anila na mas mataas kumpara sa 2,665 kaso noong 2024.

Sa kabila nito, sinabi ng DOH na ang naturang mga kaso ay mas mababa pa rin kaysa noong 2023 kung kailan, nakapagtala sila ng lampas 2,500 sa isang linggo lamang simula Pebrero.

Ayon sa DOH, higit sa kalahati o 52% ng mga kaso ng HFMD ay mula sa Central Luzon, MIMAROPA, Metro Manila, at Cordillera Auto­nomous Region (CAR).

Nasa 56% o 4,225 ng kabuuang kaso ay pawang mga batang 4-taong gulang pababa ang edad habang nasa 2,069 ay nasa edad 5-9.

Anang DOH, ang HFMD ay isang nakahahawang sakit na kumakalat sa pagtalsik ng laway na may virus. Maaari ring makuha ang virus kapag ang isang tao ay humawak sa kaniyang mata, ilong, o bibig gamit ang kamay na nahawakan ang bagay na kontaminado ng virus.

Kabilang sa mga sintomas nito ay lagnat, ubo, singaw sa bibig, at mga paltos sa kamay, paa, at puwitan.

Nagbabala naman ang DOH na maaaring magdulot ang sakit ng mas malubhang kom­plikasyon tulad ng me­ningitis at encephalitis o pamamaga ng utak.

Payo pa ng DOH, ang mga taong may sakit, lalo na kapag pinaghihinalaan o kumpirmadong kaso ng HFMD, ay dapat manatili sa bahay at iwasang pumasok sa paaralan o trabaho ng mula pito hanggang 10-araw o hanggang sa panahong mawala ang lagnat at matuyo na ang mga sugat.

“Ihiwalay ang mga kubyertos at iba pang personal na kagamitan ng taong maysakit, at linisin ang lugar kung saan sila nanatili gamit ang disinfectant matapos ang inirekomendang pagkabukod,” anang DOH.