High trust ratings ng Kamara, inspirasyon ng mga mambabatas


MANILA, Philippines — Itinuturing na inspirasyon ng mga kongresista ang mataas na ratings ng Kamara na patunay ng tiwala ng taumbayan.

Ito ang iginiit ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes matapos maitala ang 57% trust rating sa Kamara base sa resulta ng OCTA Research Tugon ng Masa survey noong nakaraang buwan mula sa 49% noong 1st Quarter survey.

Umangat din sa 55% ang performance ng Kamara mula sa 47%.

Ayon kay Ordanes pagpapatunay lamang ito sa maayos at matatag na pamumuno ni Speaker Martin Romualdez.

Dagdag ng mambabatas na ang pagtaas ng trust rating ng Kamara ang patunay na tama ang pagbibigay ng ikalawang termino kay Romualdez para maipagpatuloy ang magandang pamumuno nito.

Aniya sa kanilang sektor lubos na naramdaman ng senior citizens ang malasakit ni Romualdez.

Ipinunto nito na ang nakalipas na 19th Congress ang maituturing na pinaka-produktibong termino ng Kamara sa pagkakapasa ng 61 sa 64 mga panukalang batas na tinukoy na prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).