Hiyasmin (209) | Pilipino Star Ngayon


MAKALIPAS ang isang linggo, dinalaw muli nina Hiyasmin at Dax si Mama Lira. Dala nila ang ipinangakong bagong TV.

Tuwang-tuwa si Mama Lira.

“Hindi na ako mahihirapang manood. Salamat sa inyo!’’

“Ano pa ang ­kailangan mo Ma?’’

“Wala na. Okey na sa akin ang bagong TV.”

“Aircon?’’

“Huwag na. Puwede naman akong electric fan lang. Sanay na ako, Hiyasmin.’’

“Basta ibibili kita ng aircon para komportable ka sa pagtulog. May edad ka na ‘Ma, mahirap matulog kapag maalinsangan lalo at palapit na ang summer’’

Hindi na nakapagsalita si Mama Lira.

“Gusto ko, makaranas ka ng ginhawa sa buhay. Matagal ka nang nagtiis sa hirap at sa pagkakataong ito, ipagkakaloob ko sa iyo ang mga hindi mo natikman. Tapos na ang mga masasamang kabanata sa iyong buhay.’’

Nanatiling walang imik si Mama Lira. Namiminto ang pagbukal nang masaganang luha.

“Siyanga pala, ‘Ma, minsan ipagsasama ka namin ni Dax sa bahay para makilala mo ang inay niya—ang magiging biyenan ko. Napakabait niya.’’

“Sige, gusto ko rin siyang makilala. Anong pangalan ng inay ni Dax?”

“Julia. Napakabait niya, ‘Ma. Magkasundung-magkasundo kami.’’

“Ang itay ni Dax, buhay pa?’’

“Opo, buhay pa,’’ si Dax ang sumagot. “Nasa Fairview po sila nakatira. Mula nang malaman na nakatira sa aking bahay si Hiyasmin, lagi na po silang dumadalaw. Mas gusto nila si Hiyasmin kaysa sa akin, ha-ha-ha!’’

“Oo nga ‘Ma, mas mahal ako ng aking biyenang babae kaysa kay Dax, ha-ha-ha!

ISANG araw ng Linggo, sinundo nina Hiyasmin at Dax si Mama Lira at isinama sa kanilang bahay para makilala ni Nanay Julia.

Tuwang-tuwa si Nanay Julia nang makilala ang mama ni Hiyasmin. Masarap ang naging pagkukuwentuhan nila.

Itutuloy