“MAM Mary, huwag mo pong ikagagalit ang itatanong ko. Napansin ko po na ang facial feature mo ay Middle Easterner—may lahi ka po bang Arab—ang ganda mo po kasi Mam,’’ sabi ni Hiyasmin na tinapangan na ang hiya sa pagtatanong.
Mahinhin na nagtawa si Mary Underwood na tila natuwa sa tanong ni Hiyasmin.
“Mahusay kang kumilatis ng mukha ng kausap, Hiyasmin. Matalino ka, natitiyak ko.”
“Hindi naman po.”
“Oo, mula ako sa Middle East. Nag-migrate ako rito sa U.S. noong ako ay 15-anyos. Dito na ako nag-aral. Nang mamatay ang parents ko, dito na ako namalagi hanggang sa magkaasawa at nagkaanak. Nag-convert ako. Isa na akong Roman Catholic sa kasaluyan. Pati ang pangalan ko, nabago na rin—pangalang American pero ang face ko ay hindi nabago, ha-ha-ha!”
“Hindi po dapat mabago ang face mo dahil ang ganda-ganda mo.”
“Salamat, Hiyasmin. Ikaw nga ang ganda-ganda rin—magkamukha tayo.”
“Mas maganda ka po—walang kasingganda!”
“Sobra-sobra na ang papuri mo Hiyasmin. Marami na akong utang sa’yo, ha-ha-ha!”
Nagtawa rin si Hiyasmin.
Maya-maya, may tumawag sa phone ni Mary Underwood. Humingi ito ng paumanhin kay Hiyasmin at sinagot ang tumawag.
Matapos makipag-usap ay nagpaalala na si Mary kay Hiyasmin.
“May mahalagang sasabihin ang officer ng ad congress kaya iiwan na kita. Bukas, magkita uli tayo rito at marami pa akong ikukuwento sa iyo. Okey Hiyasmin?”
“Okey po Mam Mary. Maraming salamat.”
Umalis na si Mam Mary.
Naiwan si Hiyasmin na masayang-masaya dahil bukas magkikita pa sila ni Mary.
KINAGABIHAN, matapos makipag-video call kay Dax at ikuwento ang mga nangyaring paghaharap nila ni Mary Underwood, ang kanyang Mama Lira naman ang tinawagan ni Hiyasmin. Ikinuwento niya rito ang tungkol kay Mam Mary Underwood.
Hanggang may hilingin si Hiyasmin sa kanyang mama.
‘‘’Ma, ipadala mo sa messenger ko ang scanned photo ni Papa. ‘Yung photo niya na nakatago. Ipadala mo agad sa akin.”
Nagtaka si Mama Lira sa hiling ni Hiyasmin.
“Bakit? Di ba sabi mo ayaw mo nang makita ang picture ng papa mo.”
“Gusto ko na, ‘Ma. Basta ipadala mo sa akin ang photo niya.”
Itutuloy