MANILA, Philippines — Nadagdagan pa ang mga kuwestyonableng benepisyaryo ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte matapos lumutang ang mga pangalang may celebrity sounding at high profiles.
Inihayag ito kahapon ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union kaugnay ng patuloy na paghimay ng prosecution panel sa mga ebidensiyang ipiprisinta sa impeachment trial ni VP Sara.
Sinabi ni Ortega na inilista ang mga pangalang Honeylet Camille Sy, Feonna Biong, Feonna Villegas, at Joel Linangan bilang mga benepisyaryo ng P500-M confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), samantalang sina Fiona Ranitez, Erwin Q. Ewan, Ellen Magellan, at Gary Tanada ay nabahaginan naman umano sa P112.5 milyong confidential funds na nasa ilalim ng Department of Education sa ilalim ng panunungkulan ni VP Sara.
“Hindi nakakatawa ang paulit-ulit na paggamit ng mga pekeng pangalan na parang hinugot mula sa sine at showbiz,” saad ni Ortega.
“Public funds ang pinag-uusapan. Kung wala silang maipakitang ebidensya na tunay ang mga taong ito, ito mismo ang magiging matibay na ebidensya laban sa kanya sa impeachment trial,” punto ng solon.
Gaya ng mga naunang pangalan na ibinunyag ni Ortega, ang bagong batch ng mga pangalan ay walang official birth, marriage at death records sa database ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa kabuuang 1,992 recipients ng confidential funds ni VP Sara, sinabi ni Ortega na 1,322 dito ang mga walang birth records, 1,456 ang walang rekord ng kasal at 1,593 ang walang death records.
