MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ng kampo nina dating Pang. Rodrigo Duterte at Sen. Ronald Dela Rosa ang ginawang pag-aresto sa dating pangulo, base sa warrant of arrest na inisyu ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kanyang war on drugs.
Naghain sila ng petisyon kahapon ng hapon sa Supreme Court (SC) at hiniling na atasan ang pamahalaan na kaagad na palayain ang dating pangulo mula sa pagkadetine.
Hiniling din ng petitioners sa Korte Suprema na magpalabas ng temporary restraining order (TRO) na nagbabawal sa mga ahensiya ng pamahalaan sa pakikipag-cooperate sa ICC sa imbestigasyon nito sa war on drugs ni Duterte, gayundin sa pagtulong sa pagpapatupad ng arrest warrants, summons, o requests.
“We are earnestly praying to the Honorable SC to grant us a TRO, restraining the Philippine government, the respondent, from cooperating with the ICC,” ayon sa legal counsel ni Duterte na si Atty. Israelito Torreon, na siyang naghain ng petisyon.
“And to release outright from custody our beloved former President Rodrigo Duterte on the ground that his detention now is illegal, unconstitutional, and has no basis under the law,” dagdag pa niya.
Nagsilbing petitioners sa kaso sina dating Pang. Duterte at Sen. Dela Rosa habang respondents naman sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, Police chief Police General Rommel Marbil, Criminal Investigation and Detection Group chief Major General Nicolas Torre III, Solicitor General Menardo Guevarra, Immigration Commissioner Norman Tansingco, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, at Armed Forces chief General Romeo Brawner.
Hhiniling din nila sa petisyon na pagbawalan ng SC ang pamahalaan mula sa pakikipag-koordinasyon at pagbibigay ng tulong sa Interpol o anumang foreign law agency hinggil sa execution ng warrants.
Giit ni Torreon, ang Pilipinas ay tumiwalag na sa ICC kaya’t hindi na tayo sakop pa ng hurisdiksiyon nito.
Kaugnay nito, kaagad namang nagsagawa ng special raffle ang SC upang makapagsagawa ng hearing sa petisyon dahil sa kahalagahan nito.