ICC inaprub request ni Duterte na suspindihin ilang deadline


Malou Escudero — Pilipino Star Ngayon

August 15, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Inaprubahan ng International Criminal Court ang kahilingan ng legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na suspindihin muna ang ilang mga deadline sa panahon ng court recess nito.

Ang ICC Pre-Trial Chamber ay sumang-ayon sa kahilingan ng Duterte defense team na suspindihin ang ilang mga deadline mula Hulyo 25, 2025, 5:30 p.m. hanggang Agosto 18, 2025, 9 a.m.

Ang Pre-Trial Chamber ay naglabas din ng ulat na nagpapakita ng lahat ng desisyong ginawa sa pagitan ng Mayo at Hulyo 2025 pero dahil sa usaping pangseguridad, ang mga bahagi ng ulat at 36 na annexes ay pinananatiling pribado, na inalis ang mga sensitibong impormasyon.

Sinabi ng abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufman na hindi nila tututulan ang kahilingan ng prosekusyon.

Hiniling ng chamber sa defense team ni Duterte na magsumite ng pampublikong bersyon ng isang confidential na dokumento.