Ika-7 batch ng ebidensya vs Digong isinumite sa ICC


MANILA, Philippines — Isinumite na ng International Criminal Court (ICC) prosecution ang ika-pitong batch ng mga ebidensya ng kaso crime against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa prosekusyon, isinumite ang mga dagdag na ebidensya bukod pa sa mga naunang inilatag noong Abril at Mayo.

Maaari rin magsumite pa ng mga karagdagang ebidensya ang prosekusyon hanggang Hulyo 1 bago ang itinakdang hearing sa September 23, 2025.

Anumang mga ebidensya na isusumite matapos ang Hulyo 1 ay hindi na tatanggapin ng korte.

Nauna nang sinabi ng prosecutor ng ICC na mayroong 421 dokumento, siyam na litrato at aabot sa 16 hours ng audio at video files ang gagamitin bilang ebidensya laban kay Duterte sa kanyang pagharap sa tribunal sa Setyembre.

Sinabi naman ni ICC Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang na inilahad ng prosekusyon sa Depensa ang kabuuang 90 items na base sa mga sumusunod na kategorya:

Pre-Confirmation INCRIM package 009 23 May 2025: Crimes Against Humanity– Murder – Barangay Clearance Operations, Presidential Period (32 items listed in Confidential Annex A);

Pre-Confirmation INCRIM package 010 23 May 2025: Crimes Against Humanity– Murder – Barangay Clearance Operations, Presidential Period (35 items listed in Confidential Annex B); at

Pre-Confirmation Rule 77 package 001 23 May 2025: Contextual Elements – background information – material for the preparation of the Defence (23 items listed in Confidential Annex C).