Iligal na kalakalan banta sa seguridad ng karagatan sa Southeast Asia


Doris Franche-Borja — Pilipino Star Ngayon

August 14, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nanawagan ang mga eksperto sa international policy na paigtingin ang border control para mapigilan ang iligal na kalakalan o illicit trade, na nagdudulot ng panganib sa seguridad ng karagatan sa Southeast Asia.

Ayon kay Daniele Marchesi, country manager ng UN Office on Drugs and Crime (UNODC) para sa Pilipinas, dapat na magtulungan ang mga bansa para pigilan ang iligal na kalakalan, na nagbubunsod sa iba pang krimen. Ang iligal na kalakalan ay hindi lang tungkol sa mga pekeng produkto at nawawalang kita. Nagbubunsod din ito sa mga iligal na daloy ng pera na nagpapalakas sa mga transnasyonal na organisadong krimen, sabi ni Marchesi sa high-level briefing na “Combating Illicit Trade in Southeast Asia” na inorganisa ng Financial Times sa Taguig City noong Agosto 5, 2025.

Tungkol sa isyu, sinabi ni Michael Eric Castillo, dating undersecretary at deputy director general for operations ng National Security Council at kasalukuyang presidente at CEO ng CAPS and Partners Inc. (CAPS), na nagdudulot ng panganib sa seguridad ng maritime sa Southeast Asia ang iligal na kalakalan.

Dapat magtulungan ang mga ahensyang nagpapatupad ng batas sa Indonesia, Malaysia, Thailand at Pilipinas, magbahagi ng impormasyon at i-coordinate ang tugon para matukoy ang mga kahina-hinalang gawain at mapigilan ang pagpasok ng mga ilegal na produkto, ayon kay Castillo.

Binigyang-diin ni Castillo ang agarang ­pangangailangan para palakasin ang kakayahan ng Philippine Coast Guard at PNP-Maritime Group sa pagpapatupad ng maritime law enforcement, lalo pa’t butas-butas ang mga hangganan ng bansa.

Sinabi naman ni Nestor Sanares, Undersecretary for peace and order sa Department of Interior and Local Government (DILG), na dapat magkaroon ng kooperasyon ang mga gobyerno sa Southeast Asia para maharang ang mga kontrabando bago pa man dumating sa mga dalampasigan.

Sinabi niya na ang pagpupuslit ay isang transnasyonal na krimen na nangyayari sa kabila ng mga hangganan.