Dahil sa SC ruling
MANILA, Philippines — Dahil sa naging desisyon ng Korte Suprema sa impeachment case na inihain laban kay Vice President Sara Duterte ay daraan ba umano sa butas ng karayom ang pagpapanagot sa mga impeachable official sa bansa.
“Sa nangyari po, sa desisyon ng Supreme Court at ito po ay ayon sa aming motion for [reconsideration], may mga isinusog na requirements na lalong nagpahirap sa impeachment. Dadaan ka ngayon sa butas ng karayom para mapanagot ang nagkasalang public official,” sabi ni Atty. Antonio Bucoy, House prosecution panel spokesman.
Ipinunto ni Bucoy na ang desisyon ng SC ay taliwas sa plain language ng 1987 Constitution.
“Ang impeachment po ay simple pero sagradong proseso. Ang ating Konstitusyon, ating Saligang Batas, hindi mo kailangan ng abogado para maintindihan nito. Plain language ‘yan. Napakasimple. Kahit ‘di abogado, maintindihan mo ‘yan,” sabi ng solon.
Kasama sa mga bagong requirement na itinakda ng SC ang deliberasyon o plenary debate sa impeachment complaint bago ito ipadala sa Senado, at ang pagsasama sa reklamo ng mga ebidensyang ibibigay sa lahat ng miyembro ng Kamara.
“Sad to say, ‘yung accountability po nawalan ng ngipin kung susundin natin ang naging decision ng Supreme Court,” sabi ni Bucoy. “Hindi po [katanggap-tanggap] kasi public office is a public trust. Number one ‘yan na prinsipyo. Hindi prebilehiyo na umupo ka diyan. Kaya nga they are servants of the people.”
“Kayo ang nangangalaga ng interes ng sambayanan. Pinagkatiwala sa inyo ang kapakanan ng buong bansa. ‘Pag ito ay trinaydor mo, dapat managot ka,” dagdag pa nito. “Yan ang purpose ng impeachment — to protect the body politic, not to protect the impeachable officer. It is to protect the body politic, ang sambayanan.”
“Dapat bigyan ng kaukulang pagpapatibay ‘yung interes ng sambayanan, hindi ‘yung isang tao,” giit pa nito.