Inflation rate bumagal sa 2.1% ng Pebrero 2025


MANILA, Philippines — Bahagyang bumaba ang presyo ng mga pagkain at serbisyo nitong Pebrero ngayong taon sa 2.1%, mas mababa sa 2.9% inflation nitong Enero, batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa press conference sa Quezon City, sinabi ni Deputy National Statistician at PSA Assistant Secretary Divina Gracia del Prado na ang inflation sa nagdaang buwan ay pinaka mababa mula September 2024 na pumalo sa 1.9 percent.

“Ang pangunahing dahilan ng mas mababang antas ng inflation nitong Pebrero 2025 kaysa noong Enero 2025 ay ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages sa antas na 2.6% [from 3.8%],” pahayag ni Del Prado.

Anya, ang Food at Non-Alcoholic Beverages index ay nagbigay ng 58.8% para sa overall down trend.

Ikalawa sa nagbigay daan sa pagbagal ng inflation ay ang index ng Housing, Water, Electricity, at iba pang Fuels na may rate na 1.6% mula sa 2.2% at share na 16.7 percent sa overall inflation decline.

Ang ikatlong contributor ng pagbagal ng inflation ay ang Transport na may contracted na -0.2% mula 1.1% month-on-month dahil sa pagbaba ng halaga ng petrolyo.