September 1, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Bureau of Immigration (BI) na mahigpit na babantayan ang mga international ports sa bansa sa posibleng pagtakas palabas ng bansa ng mga respondents sa kaso ng missing sabungeros, kabilang ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, aktres na si Gretchen Barreto, dating NCRPO chief Jonnel Estomo at 50 iba pa.
Sinabi ni BI spokesperson Dana Sandoval na may direktiba nang ipinalabas si BI Commissioner Joel Anthony Viado, kahit hindi pa natatanggap ang immigration lookout bulletin order (ILBO) ng Department of Justice (DOJ).
Sina Ang, Baretto, Estomo at iba pang indibidwal ay sinampahan ng reklamong multiple murder at illegal detention ng mga pamilya ng missing sabungeros.
Sinabi ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Biyernes na natapos na ang evaluation para sa nasabing mga reklamo at magsasagawa na ng preliminary investigation ang panel of prosecutors upang matukoy kung ang mga kaso ay dapat na isulong sa korte.
Sa oras na isagawa ang PI, maari na rin hilingin ng panel sa mga korte na maglabas ng precautionary hold departure orders (PHDOs) na pipigil sa mga respondents na makalabas ng bansa.
