Isa pang chance | Pilipino Star Ngayon


Dear Dr. Love,

Dalawa ang bagsak kong major subjects sa college ngayon. Ginawa ko naman ang best effort ko, pero bumagsak pa rin ako. Isang sem na lang IT graduate na sana ako, pero ayaw na nila papa at mama bilang parusa sa failed subjects ko.

Hindi ko naman sila masisisi, pero sana maintindihan nila na mahina lang ang utak ko, pero hindi ang ambisyon kong makatapos ng pag-aaral. Magtrabaho raw muna ako. Okey naman po sa akin. Pero sana bigyan pa nila ako ng isa pang pagkakataon. Ano po ang gagawin ko?

AIjhon

Dear Aljhon,  

Naiintindihan ko ang bigat ng sitwasyon mo. Hindi madali ang bumagsak sa subjects lalo na kung malapit ka nang magtapos. Pero tandaan mo na ang pagkatalo sa ilang exams ay hindi sukatan ng buong pagkatao mo o ng kakayahan mong magtagumpay.

Tanggapin mo muna ang kondisyon nila. Kung gusto ng magulang mo na magtrabaho ka muna, gawin mo ito nang bukas ang isip. Sabihin mo sa kanila na naiintindihan mo ang desisyon nila, pero ipaliwanag mo rin na hindi ka sumusuko sa pangarap mong makatapos.

Kapag nakapagtrabaho ka, ipakita mo sa kanila na kaya mong maging responsable at masipag. Ito ang magiging ebidensya na handa ka ring tapusin ang iyong pag-aaral. Sabihin mo na magtatrabaho ka muna ng isang taon, pero pagkatapos ay babalik ka sa school para tapusin ang IT degree.

Kapag may malinaw na plano, mas madaling paniwalaan ng magulang.

Dr. Love