Job scam tutuldukan sa Job Fair Alert


MANILA, Philippines — Tutuldukan ng TRABAHO Partylist ang dumaraming insidente ng panloloko o job scam. Ito ay modus kung saan ang mga biktimang nagbuhos ng oras sa pagkumpleto ng mga task o misyon ay hindi lamang pinasweldo, kundi tinakbuhan pa ng malaking halaga ng pera.

Mas maiiwasan ­umano ang mga ganitong panloloko kung ang ­publiko ay may maaasahan at kinikilalang pagkukunan ng impormasyon sa mga oportunidad sa trabaho.

Nagsimula na nga ang grupo sa pamamagitan ng pagbibigay ng Job Fair Alert tuwing Lunes kung saan nakadetalye ang lahat ng magaganap na lehitimong job fair sa buong bansa.

Ayon kay Partylist spokesman Atty. ­Mitchell Espiritu, patikim pa lamang ang pabatid na Job Fair Alert dahil kapag naisabatas na ng TRABAHO ang pagbuo ng centralized job vacancy database sa buong ­Pilipinas ay tuluyan na ngang matutuldukan ang mga nasabing uri ng job scam.