MANILA, Philippines — Sa kauna-unahang pagkakataon, nagtalaga na ang Kamara ng Spokesperson para palakasin ang paglaban sa mga fake news sa bansa at maghatid ng tumpak na ulat sa bayan.
Si Atty. Priscilla Marie “Princess” Abante, anak ni outgoing Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr. ay itinalaga nitong Martes bilang opisyal na Spokesperson para sa nalalabing 19th Congress at papasok na 20th Congress.
Ayon kay Abante, hindi na kayang manahimik ng Kamara sa mga kasinungalingang ikinakalat sa social media na kanilang lilinawin sa publiko.
“Tayo po ay mag-uulat sa bayan ng pawang mga katotohanan lamang. Walang halong fake news. Walang labis, walang kulang, dahil ito po ang ating mandato sa mamamayang Pilipino,” giit pa nito.
“We are here to inform, not to inflame. Pero kung kailangan pong punahin ang mga mali, kung kailangang itama ang kumakalat na fake news para i-discredit ang Kamara o mga miyembro nito, makakaasa po kayo na gagawin namin ito. The public deserves no less than the truth,” ayon kay Abante na sinabing hindi lamang pagtugon sa kritisismo ang kaniyang trabaho kundi maiparating ang pamamalakad sa Kamara sa mga ordinaryong mamamayan.