August 25, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Inihayag ng legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi ito kikilos para i-disqualify si International Criminal Court (ICC) Prosecutor Karim Ahmad Khan.
Sa isang public “redacted filing” na may petsang Agosto 15, kinilala ng tagapagtanggol na boluntaryong isiniwalat ni Nicholas Kaufman ang tungkol sa kanyang naunang representasyon sa mga taong gustong usigin si Duterte.
Isa sa kanila ang nakatakdang tumestigo laban kay Duterte habang ang isa naman ay nakatakdang sumailalim sa interview.
Sinabi ni Kaufman na tinatanggap niya ang paliwanag ni Khan na ang pagkukulang sa kanyang unang pagsisiwalat ay isang “inadvertent oversight”, at walang rason para pagdudahan ang impartiality ng prosekusyon.
“On the face of the notifications, there is no ostensible reason to doubt the Prosecutor’s impartiality or his assertions that he is not conflicted on account of his former representation,” nakasaad sa dokumento.
Sinabi ng depensa na ang mga “conflict of interest” ay dapat na lutasin sa pagitan ng abogado at mga kliyente, alinman sa pamamagitan ng waiver o withdrawal.
Binanggit din na agad na nakipag-ugnayan si Khan upang ipaalam sa kanila ang isyu pagkatapos ng kanyang appointment.
Si Khan, na nanunungkulan noong 2021, ay nangunguna sa imbestigasyon ng ICC sa diumano’y mga “crime against humanity” na ginawa noong madugong “giyera laban sa droga” ni Duterte.