MANILA, Philippines — Hiniling ng Department of Agriculture (DA) sa Bureau of Customs (BOC) na magsagawa ng inspeksyon sa mga kargamento ng isang Hong Kong based cargo vessel na dumaong sa pantalan ng Maynila, kamakailan.
Ang kahilingan ay ipinaabot ni DA Undersecretary Carlos Carag kay BOC Commissioner Bienvenido Rubio para kay District Collector Alexander Gerard Alviar.
Ang hakbang ay ginawa sa hinala na kwestiyonable ang Agricultural Commodities na lulan ng SITC Fujian na may voyage no.2504S.
Ayon pa kay Carag, nakapaloob sa Republic Act 10611 o Food Safety Act of 2013 na lahat ng imported na pagkain ay obligadong sumailalim sa cargo inspection at clearance procedure ng DA at DOH sa unang port of entry.
Bukod sa safety concerns ang nabanggit na inspeksyon ay mahalaga para sa assessment ng taripa at iba pang bayarin sa BOC,alinsunod sa RA 10611.
Ipinaalam na rin ni Carag kay Rubio na magpapadala sila ng DA Inspectorate at Enforcement para saksihan ang inspeksyon ng mga nasabing kargamento.