Dear Dr. Love,
Ako po si Sergio, 52-anyos at may asawa’t anak na nakatapos ng chemical engineering. Magka-edad kami ng misis kong si Chona at mula ng magpakasal kami 25 years ago, maayos ang aming pagsasama.
Nagulat ako nang kausapin niya ako kamakailan. Nais raw niyang magkahiwalay na kami at ipa-annul ang aming kasal. Napahagulgol ako dahil mahal ko siya at alam ko na mahal din niya ako.
Kung kailan kami tumanda at nakatapos ng magandang kurso ang anak naming babae ay saka pa siya maghahangad na maghiwalay kami.
Isang mapait na lihim ang ipinagtapat niya sa akin. Mahal daw niya ako at ayaw niyang magsinungaling. Ang anak na pinagtapos namin ng pag-aaral ay hindi raw sa akin kundi anak ng isang lalaking nan-rape sa kanya bago kami ikinasal. Namatay na raw ang lalaking yaon matapos pagbabarilin ng isang salarin na nakaalitan niya.
Mahal sa akin ang bata na kinilala kong anak ko, kaya sinabi kong wala siyang kasalanan at mas mabuting kami na lang ang makaalam ng lihim na baka makawasak lang sa isipan ng aming anak kung malalaman niya,
Hanggang ngayon ay nagmumukmok siya at hindi makapagdesisyon kung hihiwalayan ako o hindi.
Ano ang gagawin ko?
Sergio
Dear Sergio,
Tama ka. Makagugulo lang sa isip ng inyong anak kung magkakahiwalay kayo at malaman pa niya na siya ay bunga ng pang-hahalay.
Iyan ang ipaunawa mo sa iyong misis at natitiyak ko na magbabago ang kanyang isip. Tutal hindi niya kasalanan na maging biktima siya ng kalapastanganan ng isang lalaki.
Lalong hindi kasalanan na isilang ang isang sanggol na bunga ng kalapasta-nganang yaon. Naniniwala ko na bilang ina, mauunawaan niya na hindi kayo dapat maghiwalay.
Dr. Love