MANILA, Philippines — Idineklara ng Commission on Elections (Comelec) ang Lakas–Christian Muslim Democrats (CMD) bilang dominant majority party habang ang Nacionalista Party naman ang dominant minority party para sa 2025 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ang dominant majority party at dominant minority party ay bibigyan ng hard copies para sa election returns (ERs) at magkakaroon rin ng kanilang sariling servers, na magagamit nila para sa quick counting ng mga boto, at counter-checking ng poll results.
Bukod sa mga naturang partido, nabatid na ang iba pang accredited political parties ay ang Akbayan Citizens Action Party, Aksyon Demokratiko, Liberal Party of the Philippines, Nationalist People’s Coalition, National Unity Party, Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan, Partido Demokratikong Reporma, Partido Federal ng Pilipinas at United Nationalist Alliance.
Ayon sa Comelec, may kabuuang 11 political parties ang nag-aplay ng akreditasyon upang matukoy bilang dominant majority party at dominant minority para sa nalalapit na midterm elections sa Mayo 12.
Ang mga naturang political groups ay iniranggo naman alinsunod sa kanilang kasaysayan, bilang ng incumbent elective officials, gayundin sa kanilang organized chapters sa mga lungsod, munisipalidad, at mga lalawigan sa bansa.