Lisensiya ng contractors ng ghost projects, babawiin ng DPWH


Mer Layson — Pilipino Star Ngayon

September 3, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Ikinokonsidera ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang tuluyang pagbawi sa lisensiya ng mga kontratistang sangkot sa ghost projects.

Ayon kay Dizon, tama ang ilang miyembro ng media na nagsabi na hindi lang dapat perpetual disqualification ang ipataw sa mga kontratista ng ghost projects at sa halip ay dapat na bawian na ng lisensiya ang mga ito.

Dagdag pa niya, nasanay naman na siyang mag-revoke ng lisensiya ng mga pasaway na ­driver noong kalihim pa siya ng Department of Transportation (DOTr), kaya’t ngayong nasa DPWH na siya ay lisensiya naman ng mga kontratista ang babawiin niya.

Una nang sinabi ni Dizon na ang mga kontratista sa likod ng ghost projects at substandard infrastructure works ay mahaharap sa awtomatikong lifetime ban sa government programs.

Aniya, kapag ang isang proyekto ng isang contractor ay ghost at napatunayang substandard, ay hindi na ito idadaan pa sa proseso at wala nang imbestigasyon.

Sa halip ay awtomatiko na aniya itong blacklisted for life at sasampahan pa ng kaukulang kaso.