Lolo Sendong | Pilipino Star Ngayon


Pilipino Star Ngayon

February 28, 2025 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Ako si Lolo Sendong, 85 anyos at sampung taon nang biyudo.  Mayroon akong kasintahan noong araw, tawagin mo na lang siyang Rosing. Napakasal siya sa ibang lalaki sa kagustuhan ng kanyang mga magulang. Wala kaming magawa pareho kaya lumayo na lang ako sa aming bayan at nakatagpo ng iba. Naging masaya naman ang buhay ko sa napangasawa ko at ngayo’y may mga apo na kami. Kaso, wala na siya.

Libangan ko ang social media at isang araw, sumulpot na lamang ang ngalan at retrato ni Ro-sing. Ang ginamit niyang larawan ay nung dalaga pa siya. Kaya naman agad kong pinalitan ng luma kong larawan ang aking profile picture. Naging friends at nabuhay ang pag-iibigan namin. Biyuda na rin siya.

Dinadalaw ko siya lagi pero tutol ang mga pamilya namin sa aming nabuhay na relasyon. Dapat ba kaming magkalimutan?

Lolo Sendong

Dear Lolo Sendong,

Palagay ko ay tapos na kayo pareho sa inyo responsibilidad sa inyong mga anak at apo. May karapatan kayong lumigaya hangga’t walang nilalabag na batas ng tao at ng Diyos. Kaya manindigan kayo ni Lola Rosing sa inyong relasyon.  Magpakasal kayo kung nais ninyo.

Dr. Love