Long-distance mountain road Tunnel sa Pinas, pinasinayaan


Mer Layson — Pilipino Star Ngayon

September 5, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Senior Undersecretary Emil Sadain ang ceremonial breakthrough para sa Southbound Tunnel ng Davao City Bypass Construction Project (DCBCP).

Maituturing ito isa sa pangunahing mega projects sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang 2.3-kilometer tunnel sa Brgy. Waan, Davao City ay bahagi ng 45.5-km Davao City Bypass at kauna-unahang long-distance mountain road tunnel sa bansa.

Kasama ni Sadain sa seremonya si DPWH Undersecretary Eric A. Ayapana Second Secretary Akito Kinoshita ng Japanese Embassy, at mga opisyal ng JICA, Mindanao Development Authority.

Nagpasalamat naman si Sadain sa suporta ng Japanese Government sa pamamagitan ng JICA sa pagkakaloob ng development assistance.

Ang pagtatayo ng kauna-unahang long-distance twin-tube mountain road tunnel ay parte rin ng layunin ng gobyerno na Build Better More.

Ang proyekto ay pinondohan sa ilalim ng JICA Loan Agreements PH-P261 at PH-P273, at ng ­gobyerno ng Pilipinas.

Sa ngayon 9.62 kilometers na ang kumpleto sa proyekto at ang 26.12 kilometers ay nagpapatuloy ang konstruksyon.

Umpisa sa starting point ng bypass sa Barangay Sirawan, Toril ang Contract Package 1-2 ay may habang 11.9 kilometers na may 4-lane roadway na kinapapalooban ng 7 tulay at isang underpass.

Inaasahang matatapos ito sa November 2027.