August 25, 2025 | 12:00am
Governor., vice governor. isinumbong kay Pangulong Marcos
MANILA, Philippines — Umapela kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang environmental group na imbestigahan ang ilang opisyal ng Bulacan dahil sa malawakang quarrying na nagdudulot ng malawakang pagbaha sa lalawigan.
Sa liham na ipinadala ng Tindig Kalikasan na nakabase sa Bulacan, sinisi nila sina Bulacan Governor Daniel Fernando at Vice Governor Alex Castro dahil sa mga nakalbong kabundukan na dulot umano ng malawakang quarry.
“Bulacan has become the stage of a double tragedy: ghost flood projects that never worked, and quarry operations dressed up as flood control. The result is predictable – swollen rivers, scarred mountains, and communities left to drown while billions vanish on paper,” nakasaad pa sa liham ng grupo kay Pangulong Marcos.
Kinuwestyon ng Tindig Kalikasan ang pagbibigay permiso sa mga quarry operation.
Ipinaalala rin ng Tindig Kalikasan ang inilabas ng isang whistleblower noong 2024 laban kay Fernando tungkol sa Flood Control and River Restoration Project na iginawad sa nag-iisang contractor na Toreja’s Construction Supply Corp. (TCSC) kung saan hindi raw ito sumailalim sa anumang bidding na malinaw na paglabag sa procurement law.
Kabilang naman sa mga isinumiteng ebidensya ng environment group ang mga larawan ng naglalakihang truck galing sa mga quarry site na sumisira sa mga kalsada ng Bulacan lalo na sa mga bayan ng Norzagaray, San Rafael, Doña Remedios Trinidad o DRT at sa Sta. Maria.
Nakapaloob din sa kanilang reklamo ang mga litrato ng mga kalbong kabundukan na resulta ng mga pagpapasabog sa mga likas na yaman ng lalawigan.
Nakatakdang maghain ang grupo ng kasong kriminal at administratibo sa Ombudsman.
