MANILA, Philippines — Dahil sa maling disenyo at tinipid ang budget kaya bumagsak ang Cabagan-Sta Maria bridge sa Isabela.
Ito ang nakikitang dahilan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos na personal na inspeksyunin ang bumagsak na tulay.
Sinabi ni Pangulong Marcos, ang nasabing proyekto ay nagkakahalaga ng P1.8 bilyon pero binawasan ito para makamura subalit perwisyo naman ang naidulot nito.
Matapos nito ay inayos at ginawa ang detail design subalit mahina dahil dapat mayroong suspension bridge para nakasabit, ngunit hindi ito nilagyan at kable lang ang naging suporta.
Noong unang ginawa ang tulay ay umabot ito sa P900 milyong budget hanggang umabot ng P1.2 bilyon. Dahil sa simula pa lamang ng konstruksyon ay nakita na gumagalaw at mahina kaya kailangang balikan at i-refit.
Giit pa ng Pangulo, sinundan naman ng contractor ang plano at by the book ang pagkakagawa subalit mali ang specifications nito.
Nakadisenyo rin aniya ang tulay sa 44-tons subalit ang dalawang truck na dumaan ay mahigit sa 100 tonelada kaya bumigay nang tuluyan ang tulay.
Nilinaw naman ng Pangulo na sa ngayon ay aayusin muna nila ang problema at hindi para magsisihan kung sino ang dapat managot. Tiyak anyang malalaman kung sino ang responsable sa pagbagsak ng tulay.
