Meeting ni Pangulong Marcos kay Trump kinondena


MANILA, Philippines — Kinondena ng Gabriela Youth ang pakikipagkita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay US President Donald Trump sa gitna ng hagupit ni “Crising” at ng Habagat sa bansa upang talakayin ang usapin sa kalakalan at pagpapalawak ng ugnayang militar.

“Ang kanyang pagpiling bumiyahe sa kabila ng matinding pinsala sa ating bansa ay malinaw na nagpapakita ng kanyang prayoridad—ang lumuhod sa isa sa pinaka-kontrobersyal na lider sa mundo at humingi ng tulong militar na maaaring magdulot ng pagkakasangkot natin sa mga digmaan na pinasimulan ng US,” pahayag ni Fran Reyes, tagapagsalita ng Gabriela Youth.

Sinabi ni Reyes na habang naghihirap ang mga biktima sa pagbaha, kawalan ng tirahan at gutom, tila nakatutok lamang ang administrasyong Marcos sa mga dayuhang interes sa halip na pagtugon sa kalamidad.

“Dalawang sakuna ang nilikha ni Marcos. Una, ang kanyang kawalan sa panahon ng matinding pangangailangan ng mamamayang Pilipino. At ikalawa, muli niyang ibinibenta ang Pilipinas sa Amerika!,” sabi ni Reyes.

Bagama’t inaasahan ang humi­git-kumulang 20 bagyo kada taon, iginiit ng Gabriela Youth na patuloy na nabibigo ang gobyerno na maglatag ng mga pangmatagalang solusyon, at umaasa na lamang sa mga planong paglikas.