Mga dawit sa palpak na flood control tukoy na


Pangu­long Marcos hawak na listahan

MANILA, Philippines — Ilang indibidwal at korporasyon na sangkot sa katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang tukoy na at malapit nang ma-blacklist sa mga proyekto ng gobyerno.

Sa pinakahuling podcast episode ni Pangu­long Ferdinand Marcos Jr., bagama’t hindi pinangalanan kung sino ang tinutukoy na mga contractors, sinabi nito na malapit nang sampahan ng kaso ang mga indibidwal at mga kum­panya na sangkot sa substandard projects.

Ayon sa Pangulo, hawak na niya ang mga pangalan ng mga taong responsable sa mga palpak na flood-control projects na naging dahilan ng malawakang pagbaha sa ilang bahagi ng bansa.

Hindi aniya siya magdadalawang-isip na panagutin ang sinumang mapapatunayang nagkulang sa tungkulin, gaano man kataas ang posisyon nito.

Ayon pa sa Presidente, ang mga korporasyon na may mga contractor ay kitang-kita na hindi maganda ang trabaho kaya ilalagay sila sa blacklist para tuluyan nang hindi magkakontrata sa gobyerno.

Kasunod nito ang pagsasampa ng kaso sa mga kumpanya at opisyal na mabibigong magpaliwanag kung saan napunta ang pondo na ginastos sa mga proyekto.