Mga magulang maglaan ng oras sa mga anak — Palasyo


MANILA, Philippines — Piinayuhan ng Malakanyang ang mga magulang na huwag hayaang nakatutok lagi sa gadgets ang kanilang mga anak.

Sa halip, sinabi ni ­Palace Press Officer Atty. Claire Castro na magkaroon ng panahon tulad ng story time para magkaroon ng quality time sa kanilang mga anak.

Ayon kay Castro, iba na ang panahon ngayon kung saan mas marami ng oras ang mga bata sa paggamit ng gadgets sa halip na magkaroon ng quality time sa kanilang mga magulang.

“Sana magbukas sa isipan ng mga magulang na ang mga anak, ­huwag nating pabayaang laging cellphone ang ­hawak. Bigyan natin sila ng oras, isa dalawang oras, enough na para bonding time at the same time maturuan ang kanilang mga anak,” ayon pa kay Castro.

Kung masipag anya ang mga magulang na magturo sa mga anak ay made-develop ang pag-iisip ng mga bata para sa mas malawak na perspektibo.

Hindi rin anya dapat mga nakikita sa social media ang napupulot ng mga bata dahil malakas ang impluwensya ng social media kaya mahalagang magkaroon ng panahon ang mga magulang para turuan at kwentuhan ang mga anak.

Ang pahayag ay ginawa ni Castro matapos ang ginawang aktibidad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan nagkaroon siya ng story time sa mga bata sa Palasyo.