Mga testigo sa drug war handang ihatid ng DOJ sa The Hague


MANILA, Philippines — Nagpahayag ng kahandaan ang Department of Justice (DOJ) na tulungan at ihatid sa The Hague ang mga testigo sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nakipag-ugnayan na sa kanila ang International Criminal Court (ICC) hinggil sa isyu at tiniyak na tutulong ang departamento sa pagbibigay ng seguridad sa mga taong tetestigo sa kinakaharap na crimes against humanity ni dating Pang. Rodrigo Duterte.

“There’s an official talk already, they have gone to our Witness Protection Program to secure the people who may be needed to testify in The Hague and so we have given our support and cooperation as this request is well-founded, based on the safety, necessity to bring the witnesses safely to the Hague,” ani Remulla.

Bukod dito, magkakaloob din aniya ang pamahalaan ng tulong pinansiyal sa mga testigong bibiyahe sa The Hague, Netherlands, upang magbigay ng pahayag sa pagdinig.

Ani Remulla, ang mga testigong ito ay walang-wala rin kaya’t kailangan talagang pagkalooban ng tulong ng pamahalaan.

Aniya, “Yung mga testigo lang, yung mga ‘yan, wala namang kaya sa buhay, walang wala rin, ‘yun lang talaga ang tutulungan.”