MANILA, Philippines — Natagpuan na ang nawawalang Philippine Air Force (PAF) FA-50 fighter jet na bumagsak sa kakahuyan habang nadiskubreng bangkay na ang dalawang pilotong lulan nito sa Mount Kalatungan, Bukidnon nitong Miyerkules ng tanghali.
Ito ang magkakasunod na kinumpirma nina AFP-Eastern Mindanao Command Chief Lt. Gen. Luis Rex Bergante at Philippine Air Force (PAF) Spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo.
Sinabi ni Bergante, natagpuan ng ground troops ng search and rescue teams ng Philippine Army ang crash site sa nasabing lugar bandang alas-11 ng tanghali kung saan nakita dito na wasak na wasak ang bumagsak na jet fighter.
Ayon sa heneral, ikinordon na ang lugar para sa imbestigasyon at habang sinusulat ang balitang ito ay kinukuha na ang bangkay ng mga biktima.
Samantala, inutos na ni PAF Chief Lt. Gen. Arthur Cordura ang ‘grounding’ ng 11 pang FA-50 jet fighters habang iniimbestigahan ang nangyaring trahedya.
Gayunman, pansamantalang tumanggi muna si Castillo na tukuyin ang pagkakakilanlan at maging ang ranggo ng mga nasawing piloto habang patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.
“The signals from the personal locators of our pilots were detected and that became our basis for the general area, at the same time, the area was mountainous and forested and foggy,” paliwanag nito.
Magugunita na ang FA-50 fighter jet ay napaulat na nawawala matapos na mawalan ito ng komunikasyon sa isa pang fighter jet noong Martes habang nagsasagawa ng flight mission. Ang aircraft ay galing sa Cebu at patungo sa target area nang mangyari ang insidente habang ang mga piloto nito ayon pa kay Castillo ay pawang mga eksperto at bihasa sa pang-araw at panggabing operasyon.
