Nabo-bored na sa boyfriend | Pilipino Star Ngayon


Dear Dr. Love — Pilipino Star Ngayon

November 11, 2025 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Gusto ko lang po sanang ilabas ang inis ko sa boyfriend ko. Hindi ko naman po siya minamaliit, mabait naman siya at responsable. Pero lately, parang sobrang boring na niya. Hindi man lang ako inaayang mag-date o kahit simpleng labas para mag-bonding.

Kapag tinatanong ko kung pwede kaming lumabas, lagi niyang sagot, “Sayang ang pera, ipunin na lang natin para sa future.”

Naiintindihan ko naman po na gusto niyang mag-ipon, pero minsan gusto ko rin naman maramdaman na espesyal ako— na may effort siya para sa amin ngayon, hindi lang puro bukas.

Dr. Love, mali ba kung mainis ako? Kasi pakiramdam ko, nawawala na ‘yung kilig sa relasyon namin.

Parang puro plano na lang, wala nang saya. Paano po ba namin mababalanse ang pag-iipon at ang page-enjoy sa relasyon habang maaga pa?

Danna

 

Dear Danna,

Hindi ka mali sa nararamdaman mo. Normal sa isang relasyon na hanapin ang saya, lam-bing, at oras na magkasama.

Pero tandaan mo rin, hindi rin mali ang layunin ng boyfriend mo — gusto niyang maging responsable at maghanda para sa kinabukasan ninyo.

Ang susi rito ay balanse. Hindi kailangan mamahalin ang bawat date o lakad.

Minsan, simpleng paglalakad sa park, pagkain ng fishball sa kanto, o movie marathon sa bahay ay sapat na para makabuo ng alaala. Ang mahalaga, may effort at presence.

Kaunting lambing lang din ang kailangan. Sabihin mo sa kanya nang maayos kung gaano mo nae-enjoy ang simpleng moments ninyo.

Malay mo, baka ‘di niya alam na ganon na pala ang pangangailangan mo ng atensyon.

Ang pera ay importante, pero tandaan na hindi kayang bilhin ng ipon ang mga sandaling hindi na maibabalik.

DR. LOVE