Dear Dr. Love,
Tawagin niyo na lang akong Lando. Malapit na ang kasal namin ng girlfriend ko. Siya na ang pangarap kong makasama habambuhay—mabait, mapagmahal, at tapat sa akin. Pero mayroon akong isang malaking sikreto na hindi ko pa maamin sa kanya hanggang ngayon, may anak ako sa dati kong karelasyon. Noong una, binalak ko naman talagang sabihin, pero laging nauunahan ng takot. Takot na baka hindi niya ako tanggapin, takot na baka magbago ang tingin niya sa akin, at takot na baka kanselahin niya ang kasal. Habang tumatagal, lalong naging mahirap ang magsabi dahil nabaon na ako sa sarili kong pananahimik. Ngayong bilang na ang mga araw bago kami humarap sa altar, lalong bumibigat ang dibdib ko. Mahal ko ang anak ko at hindi ko siya talikuran, pero paano ko sisimulan ang pag-amin sa babaeng pakakasalan ko nang hindi siya nasasaktan nang husto? Karapatan niyang malaman ang totoo bago kami magsumpaan, pero natatakot ako na baka ito na ang katapusan namin.
Lando
Dear Lando,
Ang pundasyon ng kasal ay katotohanan. Mas nakamamatay sa relasyon ang lihim kaysa sa nakaraan. Kung itutuloy mo ang kasal nang may ganyang sikreto, para kang nagtayo ng bahay sa buhangin—guguho ito oras na lumabas ang totoo. Harapin mo ang takot, huwag ang kasinungalingan. Kung tunay kang mahal ng iyong mapapangasawa, masasaktan siya sa hindi mo pagsasabi agad, ngunit may puwang ang pagpapatawad. Bigyan mo siya ng pagkakataon na mahalin ka nang buo—kasama ang iyong nakaraan at ang iyong anak. Humingi ka ng tawad hindi dahil may anak ka, kundi dahil naging duwag ka na magsabi ng totoo.
DR. LOVE