Nakuha suporta ng Davao del Sur bloc Pacman, lalong lumakas sa Mindanao


Digos City, Davao del Sur, Philippines — Nakakuha ng mala­king pampulitikang suporta si Manny Pacquiao sa kanyang pagbabalik-Senado matapos siyang iendorso ni Davao del Sur 1st District Rep. John Tracy Cagas sa isang unity meeting sa Digos City kamakailan.

Ipinangako ni Cong. Cagas, isang importanteng lider-pulitikal sa probinsiya, na maibibigay niya ang solidong boto para kay Pacquiao, kasabay ng papuri sa tunay na pagmamahal ng dating boksingero sa mahihirap at sa kanyang nagawang pagserbisyo.

“Si Manny Pacquiao ay hindi lamang kampeon sa loob ng ring, kundi kampeon para sa taumbayan. Nasa likod niya ang Davao del Sur dahil alam ­na­ming ipinaglalaban niya ang masa,” ani Cagas.

Nagpasalamat si Pacquiao, na kasalukuyang umiikot sa mga lalawigan ng Mindanao bilang bahagi ng kanyang kampanya, kay Cagas at sa mga lokal na lider para sa kanilang tiwala at suporta.

Binigyang-diin ni Pacquiao ang kanyang layunin na isulong ang mas maraming proyekto para sa imprastruktura, kabuhayan, at mga programang pangkabataan sa Davao del Sur.

“Balik-serbisyo tayo. Hindi ako umaalis sa laban, lalo na para sa mga probinsya na kailangang mapakinggan sa Senado,” ani Pacquiao.

Sa pagkakamit ng suporta ng Davao del Sur, lalo pang tumitibay ang pundasyon ni Pacquiao sa rehiyon habang pinapalakas niya ang kanyang pagbabalik sa pambansang pulitika na palaging isinasaalang-alang ang kapakanan ng maliliit na mamamayan.