December 5, 2025 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Tawagin na lamang ninyo akong Susan. Ako po ay nalilito at medyo kinakabahan sa sitwasyon ko ngayon. May dalawa po akong manliligaw na parehong pursigido, parehong mabait, at parehong nagpapakita ng tunay na interes.
Pareho silang laging present, laging na-ngungumusta, at laging gustong iparamdam na sila ang nararapat.
Sa totoo lang, nakakataba ng puso na may dalawang taong handang ipaglaban ka… pero sa kabilang banda, nakaka-pressure rin. Sobra silang agresibo — parehong may effort, parehong may paninindigan, at parehong gusto akong ligawan nang dirediretso.
Nasa punto po ako na hindi ko alam kung sino ang pipiliin, o kung dapat ko bang piliin agad. Natatakot akong magkamali ng desisyon at masaktan ang isa, o mas masaktan ako sa huli.
Dr. Love, paano ko po ba malalaman kung sino ang tunay na nararapat? At paano ko haharapin ang sitwasyon na parang pareho silang nagmamadali, samantalang ako, gusto ko munang huminga at makilala sila nang mabuti?
Susan
Dear Susan,
Una sa lahat, hindi mo obligasyong pumili agad kahit pa gaano sila ka-agresibo sa panliligaw. Ang pagmamadali nila ay hindi dapat maging dahilan para magdesisyon ka nang hindi handa. Ang tunay na pag-ibig ay hindi nagpapa-pressure—nagmumuni muna.
Kilalanin mo sila nang mas malalim, hindi lang base sa effort o pagiging persistent. Tingnan mo kung sino ang may tamang intensyon, hindi lang ‘yung gustong “manalo.”
Sino ang maru-nong rumespeto sa boundaries mo? Sino ang consistent kahit hindi mo siya laging pinapansin? Sino ang mas nagdadala ng kapayapaan, hindi kaba o pressure?
At higit sa lahat, alamin mo rin ang sarili mo: sino ba ang mas nakikita mong makakasabay mo sa pangarap, sa ugali o sa values mo?
Tandaan mo, hindi kung sino ang pinakaagresibo ang dapat piliin, kundi kung sino ang pinakatotoo at pinaka may respeto sa puso mo.
Kung hindi mo pa kaya magdesisyon, sabihin mo sa kanila. Ang marunong maghintay, doon ka mas ligtas magtiwala.
DR. LOVE