Nasaan si VP Sara? OVP tikom


MANILA, Philippines — Tila tikom ang Office of the Vice President (OVP) sa kinaroroonan ni Vice President Sara Duterte, sa kasagsagan nang isinasagawang debate ng Senado kung susundin ba o hindi ang ruling ng Korte Suprema na unconstitutional ang impeachment trial laban sa bise presidente.

“Let me verify that information, we’ll get back to you on that one,” tugon ni OVP Spokesperson Ruth Castelo nang matanong ng media hinggil sa kinaroroonan ni VP Sara.

Nang muling tanungin kung matutuloy ang nakatakdang biyahe ni VP Sara sa Kuwait, “Let me verify that information, we’ll get back to you on that one”, sagot uli ni Castelo.

Kinumusta rin ng media ang lagay ni Duterte ngunit tinugon lamang ito ni Castelo ng, “We’ll get back to you on that before we end this conference.”

Tila paiwas din ang tugon ni Castelo nang tanungin ng isang reporter kung naririto lamang ba sa Pilipinas ang VP at sabihing, “Who knows she can just be right in the office, a few steps away. We’ll give you the answer later.”

Tiniyak naman ni Castelo na kahit bihirang makita ng publiko, aktibo pa rin ang VP sa trabaho.

Aniya, si Duterte pa rin ang nag-aapruba ng mga proyekto at nilalaman ng press releases ng OVP.

Ayon naman kay Press Officer Usec. Atty. Claire Castro, ang huling travel authority na inaprubahan para kay Duterte ay para sa kaniyang biyahe sa The Hague at South Korea mula Hulyo 5 hanggang 28.

“Mayroon po tayong nabalitaan at ito ay natanong sa atin na mayroon daw balak ang bise presidente na pumunta sa Kuwait ng August 8 pero as we speak, wala pang nahain na request for travel authority and bise presidente,” ani Castro.