Operasyon sa Taal Lake para sa nawawalang sabungero, aarangkada na


MANILA, Philippines — Posibleng magsimula ngayong linggo ang paghahanap sa mga bangkay ng mga nawawalang sabungero na umano’y itinapon sa Taal Lake sa Batangas, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

“We’re asking them to start this week (Pinapakiusapan na naming simulan nila ngayong linggo),” ani Remulla sa mga mamamahayag ng Lunes, Hulyo 7.  “Our basic plan is, we want to map it out and look at the condition so we can plan how to go about it (Ang pangunahing plano namin ay imapa ang lugar at alamin ang kondisyon bago tuluyang magsagawa ng operasyon.)»

Hindi na tinukoy ni Remulla kung aling ahensya o grupo ang inaasahan nilang magsisimula ng operasyon.

Sa tanong kung saan posibleng magsimula ang paghahanap, sinabi ni Remulla na uunahin ang isang “fishpond lease” na pagmamay-ari umano ng isa sa mga suspek.

Nauna nang sinabi ni Remulla na kinokonsidera niyang humingi ng tulong mula sa Philippine Coast Guard at Philippine Navy para magsagawa ng technical dive sa lawa, batay sa pahayag ng umano’y whistleblower na si Julie “Totoy” Patidongan, na nagsabing itinapon ang mga bangkay sa Taal Lake.

Ayon pa kay Remulla, wala pa siyang natatanggap na tugon mula sa gobyerno ng Japan kaugnay ng hiling nilang tulong na isinumite noong nakaraang linggo lamang.

Bago pa isapubliko ang kanyang pagkakakilanlan bilang si Patidongan, si “Totoy” ay lumabas na sa ilang ulat na nagsasabing pinatay at itinapon sa lawa ang mga sabungero matapos umano silang mandaya sa sabong.

Noong Hulyo 2, pinangalanan ni Patidongan si gaming tycoon Atong Ang at tatlo pang indibidwal bilang mga itinuturong utak sa pagkawala ng mga biktima — isang alegasyong mariing itinanggi ni Ang.