Overseas voting para sa 2025 polls, arangkada na


MANILA, Philippines — Pormal nang umarangkada kahapon ang overseas voting para sa 2025 National and Local Elections (NLE).

Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, ang opisyal na overseas voting period ay nagsimula dakong alas-8:00 ng umaga (local time) kahapon, Linggo, Abril 13.

Nabatid na ­magtatagal ang overseas voting hanggang alas-7:00 ng gabi sa Mayo 12, na kasabay rin ng pagtatapos ng panahon ng botohan sa bansa.

Anang Comelec, ang test voting para sa registered overseas voters na nag-enrolled sa Online Voting and Counting System ay isinara ganap na alas-11:59 ng gabi noong Sabado, Abril 12.

Kasunod nito, kaagad na ring sinimulan ang botohan.

“Ngayong araw na ito, kanina, actually ng madaling araw, ay simula na ng pagboto ng mga kababayan natin abroad — ‘yung tinatawag na overseas voting,” ani Garcia.

Sinabi ng poll chief na ang pagboto ng ating mga kababayan sa 77 posts sa ibayong dagat ay idaraos sa pamamagitan ng ­internet voting.

Samantala, ang mga botante naman sa 16 pang posts ay isasagawa sa pamamagitan ng ­pagpunta sa embahada o kaya ­naman ay sa konsulada.

Ani Garcia, ang internet voting abroad ay bukas sa loob ng 24-oras.

Nabatid na unang makakaboto ang mga rehistradong Filipino ­voters sa mga lugar sa New Zealand, sa ilalim ng hurisdiksiyon ng Wellington Philippine Embassy, pagsapit ng 4:00AM sa Manila.

Susundan ito ng Australia at Guam; ­Japan at Korea; Brunei, Hong Kong, Malaysia, ­Macau, Indonesia, Taiwan, at Singapore; Thailand, Vietnam, at Indonesia; Bangladesh; India; Pakistan; United Arab Emi­rates at Oman; Greece, Jordan, Qatar, Saudi Arabia, Kuwait, Bahrain, Kenya, at Israel; Spain, Germany, Switzerland, Belgium, Romania, Denmark, Italy, Norway, France, Czech ­Republic, Rome, Sweden, The Netherlands, The Vatican, Poland, Egypt, at South Africa; Portugal, United Kingdom, at Morocco; Brazil at Argentina; New York; Ottawa at Toronto, ­Canada; at Chile; Chicago at Houston; Mexico; Los Angeles, San Francisco, Washington D.C.; at Vancouver, Canada; at Honolulu.

Una nang sinabi ni Garcia na mayroong 1.231 milyong Filipino voters sa ibayong dagat.

Gayunman, hanggang noong Biyernes, Abril 11, nasa 48,000 botante pa lamang ang nagpa-enroll sa pre-voting enrollment system para sa 2025 polls.

Anang poll body, maaari pa namang mag-sign up ang mga rehistradong Filipino overseas voters sa pre-voting enrollment para sa internet voting hanggang sa Mayo 7.

Kinakailangan ­lamang umano nilang ­bisitahin ang link na https://ov.comelec.gov.ph/enroll para makapag-enroll.