P50 umento sa NCR, epektibo na — DOLE


MANILA, Philippines — Epektibo na ngayon, Hulyo 18, ang P50 dagdag sa arawang sahod ng mga minimum wage earners sa National Capital Region (NCR).

Ito’y dahil epektibo na ang bagong wage order na inaprubahan ng NCR Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) noong nakaraang buwan, na nagkakaloob ng P50 wage hike para sa mga manggagawa sa rehiyon.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng DOLE-NCR ang mga employers na tumalima sa wage hike.

“Effective ang bagong minimum wage sa July 18. Dapat ang ating mga employers ay mag-adjust na at makatanggap na rin by July 18 ang ating minimum wage earners,” ayon kay DOLE-NCR Regional Director Sarah Buena Mirasol.

Sa ilalim ng bagong wage hike, ang daily minimum wage rate sa rehiyon ay magiging P695 na para sa non-agriculture sector, mula sa P645.

Mula naman sa P608 ay magiging P658 ang daily minimum wage rate sa agriculture sector, service at retail establishments na nag-e-empleyo ng 15 o mas kaunti pang manggagawa, at manufacturing establishments na regular na nag-e-empleyo ng wala pang 10 manggagawa.

Nilinaw naman ni Mirasol na exempted sa wage hike ang mga establisimyento na apektado ng kalamidad o yaong sangkot sa retail at services, na nag-e-empleyo ng hanggang 10 manggagawa.

“Kapag hindi nag-comply ang ating employers, puwedeng dumulog sa DOLE-NCR o field offices…Online, puwede rin mag-request for assistance,” ani Mirasol.